Cayetano: Four percent mandatory savings kasya para sa 10K Ayuda

Hinikayat ni dating Speaker Alan Peter Cayetano ang pambansang pamahalaan na magpatupad ng apat na porsiyentong mandatory savings para mapondohan ang pagpapalawak ng ayuda para sa mga pamilyang tinamaan ng pandemya.

 

Sa isang panayam sa DZRH Nationwide noong ika-9 ng Hulyo, sinabi ni Cayetano na maaaring gamiting basehan ng pamahalaan ang mga reporma na ipinatupad ni dating Pangulong Fidel Ramos.

 

“If we institute a mandatory savings of four percent this year, makakabuo ka ng close to P200 billion. More than enough iyon for all Filipino families na makatanggap ng P10,000,” wika niya.

 

Para mapalawak ang programang direct stimulus ng bansa, ipinanukala rin ni Cayetano na magpatupad ang pamahalaan ng mga debt instrument na katulad ng war bonds. Ginagamit ang mga war bonds para pondohan ang mga operasyon ng militar tuwing panahon ng digmaan.

 

“After every crisis, economic boom naman ang dumarating. Kaya nababayaran yung mga inutang through war bonds,” aniya. 

 

Tinutulak din ni Cayetano na ilaan sa ayuda ang mga pondo na hindi pa nagastos ng iba’t ibang ahensya.

 

“Marami rin kaming nakita na hindi nagagastos ng gobyerno. Kulang yung absorptive capacity ng agencies natin,” sabi niya.

 

Sigurado ang dating Speaker na hindi makakasama sa ekonomiya ang paglaan ng P200 billion para sa ayuda. Dagdag niya, maraming paraan ang pamahalaan para mapondohan ang mas malawak na programang ayuda.

 

“Another P200 billion para ilagay sa bulsa ng ating mga kababayan won’t be harmful to our economy,” wika niya. “Napakaraming paraan kung gusto talaga.”

 

Noong Pebrero, inihain ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyado ang 10k Ayuda Bill na naglalayong tulungan ang bawat pamilyang Pilipino na mabili ang kanilang mga pangunahing pangangailangan at mapasigla muli ang ekonomiya.

 

Naisali ang panukalang batas sa Bayanihan 3 pero hindi naisama ang panukala nitong P10,000 na ayuda.

RECOMMENDED POSTS