Cayetano: Huling SONA isang oportunidad na magkaisa para sa economic recovery

Naniniwala si dating Speaker Alan Peter Cayetano na ang paparating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ay isang pagkakataon para pagkaisahin ang iba’t ibang grupo tungo sa pagbangon ng ekonomiya.

 

Sa isang panayam sa RMN Nationwide noong ika-16 ng Hulyo, sinabi ni Cayetano na magiging mahalaga ang paparating na SONA dahil ilalatag nito ang mga hakbang na kailangang tahakin ng bansa upang ibalik ang sigla ng ekonomiya.

 

“Probably, this is the most influential and important in the past few decades sapagkat napakimportante na yung direksyon ng ating bansa ay klaro at magkaroon tayo ng national consensus (on economic recovery),” wika niya.

 

Inaasahan ni Cayetano na magiging prayoridad ang economic recovery sa SONA ni Duterte, ang kanyang dating running mate noong 2016. 

 

Muling nanawagan ang mambabatas para sa agarang pagpasa sa 10K Ayuda Bill. Ayon sa kanyang kalkulasyon, kailangan ng P200 bilyon para matupad ang programa na ito. Kung mapasa ito, matutulungan ng programa ang bawat pamilyang Pilipino na mabili ang kanilang mga batayang pangangailangan, ayon kay Cayetano.

 

“It’s really a step of faith pero I’m hoping the government would listen kasi ang government lang ang may kakayahan na bigyan ang lahat ng P200 billion,” aniya. 

 

Para sa dating Speaker, isa ring pagkakataon ang paparating na SONA para ilatag ang mga prayoridad ng pamahalaan para sa mga susunod na buwan. Iginiit niya na mahalaga ang pagkakaroon ng mga klarong prayoridad para mapataas ang tiwala ng mga investor.

 

“Kung alam ng mga investors at ng mga negosyante kung ano ang priorities ng gobyerno, mas mabilis ang ating economic recovery,” he said.

 

Inanyayahan naman ni Cayetano ang iba’t ibang mga kampo, kasama na ang oposisyon, na magtulungan para sa economic recovery.

 

Nanawagan ang mambabatas sa kanyang mga kaibigan sa Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na isantabi muna ang mga away sa loob ng partido at gamitin ang SONA bilang pagkakataon para makiisa sa Pangulo.

 

“While I totally understand na pag may leadership fight ay talaga pong entertaining at newsworthy, baka I can appeal to our friends sa PDP-Laban na mag-ceasefire muna,” wika niya.

RECOMMENDED POSTS