Iginiit ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na kailangang bigyan ng ayuda ang bawat pamilyang Pilipino upang masuportahan ang mga maliliit na negosyo katulad ng mga sari-sari store.
Sa pamamahagi ng ayuda sa mga mag-ari ng sari-sari store sa Olongapo noong ika-10 ng Hulyo, sinabi ni Cayetano na hindi niya titigilan ang pagtulak sa 10K Ayuda Bill dahil ang pamahalaan lamang ang may kakayanang mamahagi ng ayuda sa bawat pamilyang Pilipino..
“Hindi ko pa rin titigilan ang P10,000 (Ayuda Bill) kasi kung walang pambili yung kapitbahay niyo, wala rin kayong mabebenta,” wika niya.
“Kung kaya lang natin ipatawag lahat ng kapitbahay niyo, bigyan natin ng P10,000 kada isa, gagawin natin. Pero gobyerno lang ang may kaya niyan.”
Kahit na masipag ang mga may-ari ng mga maliliit na negosyo sa bansa, sinabi ni Cayetano na marami sa kanila ang nawalan ng oportunidad dahil sa pandemyang COVID-19.
“Kayo po ang nagtanim ng inyong talino, inyong puhunan, sakripisyo, at oras. At marami po sa inyo ang nagkaroon ng kabuhayan through the sari-sari store,” aniya.
“Di niyo kasalanan na nagkaroon ng pandemic. Masipag naman kayo. Kaya lang nawalan ng oportunidad kasi nagkaroon ng pandemic.”
Ayon sa dating Speaker, napagtanto niya at ng kanyang mga kaalyado na hindi sapat ang ayuda na naipamahagi sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2.
“Narealize namin, na pag P10,000 ang binigay, it’s enough para sa utang, sa tubig, sa mga babayaran mo, para sa anak mo, para sa kanyang online classes. At may matitira pang onti para sa negosyo mo,” sabi ni Cayetano.
Iginiit ni Cayetano na sasapat ang apat na porsiyento ng savings ng pamahalaan para masuportahan ang implementasyon ng 10K Ayuda Bill.
“Apat na piso lang sa bawat P100 (ng isang opisyal o ahensya) ang itabi natin, pwede na po tayo magbigay ng P10,000 sa bawat pamilyang Pilipino,” wika niya.
Inihain ang 10K Ayuda Bill noong ika-1 ng Pebrero. Layunin nitong tulungan ang bawat pamilyang Pilipino na mabili ang kanilang mga pangaraw-araw na pangangailangan at ibangon ang ekonomiya ng bansa.
Mula noon, namamahagi na sina Cayetano at ang kanyang kaalyado ng P10,000 ayuda sa mga pinakamahirap na sektor sa pamamagitan ng kanilang programang Sampung Libong Pag-Asa. Halos limang libong benepisyaryo na ang nabigyan ng ayuda dahil sa nasabing inisyatiba.