Pinayuhan ni dating Speaker Alan Peter Cayetano si Senador Manny Pacquiao na idaan sa isang pribadong usapan kay Pangulong Duterte ang kanyang mga pagkabahala tungkol sa West Philippine Sea (WPS).
Sa isang press conference noong ika-11 ng Hunyo pagkatapos ng Sampung Libong Pag-asa program kung saan namigay ang grupo ng dating Speaker ng tig-P10,000 sa 500 benepisyaryo, sinabi ni Cayetano na dapat iwasan ng mga opisyal ng pamahalaan na pagdebatehan sa publiko ang mga sensitibong isyu.
“I think politicians should be statesmen when it comes to this. Hindi lahat ng tungkol sa South China Sea ay sa publiko pag-uusapan,” wika niya.
Maaalalang nagkasagutan sina Duterte at Pacquiao noong nakaraang linggo nang sabihin ng Senador na hindi sapat ang pagtugon ng pamahalaan sa mga isyu sa WPS.
Si Pacquiao ang kasalukuyang pangulo ng PDP-Laban, ang partido ni Duterte. Siya rin ay isang malapit na kaalyado ng kasalukuyang administrasyon.
“Nakukulangan ako kumpara doon sa bago pa siya tumakbo, nage-eleksyon pa lang. Dapat ipatuloy niya yun para magkaroon din naman tayo ng respeto [galing sa China],” sabi ni Pacquiao.
Sinagot ni Duterte ang Senador at binanatan ang pagkukulang nito sa pananaliksik tungkol sa foreign policy.
Pinayuhan naman ni Cayetano si Pacquiao na kausapin niya nang pribado ang Pangulo.
“If you don’t agree with his policies, see him in private, lalo na iyong maselan,” sabi ni Cayetano.
Ipinaalala ni Cayetano, na Foreign Affairs Secretary mula 2017 hanggang 2019, sa mga kritiko na malawak ang kapangyarihan ng Pangulo pagdating sa foreign policy ng bansa.
“That is why if you review the Constitution, usually, pagdating sa foreign affairs, nasa Presidente ‘yan,” aniya.
Sinabi rin ng dating Speaker na hindi nawalan ng teritoryo ang bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
“I can assure you, not a single square inch, was given up to China. Walang bagong tinayo ang China, Vietnam, Malaysia, pati Pilipinas sa panunungkulan ni President Duterte,” wika ni Cayetano.