Cayetano: Kung gusto, may paraan para sa 10K Ayuda Bill

Sinabi ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na nauudlot ang pagpasa sa 10K Ayuda Bill dahil sa mga palusot mula sa iba’t ibang mga kampo.

 

Habang namamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo mula sa Quezon City noong ika-16 ng Hulyo, iginiit ni Cayetano na mahalaga ang political will ng Kongreso upang maipasa ang panukalang batas, na siyang naglalayong tugunan ang tumitinding gutom at kawalan ng trabaho na dinulot ng pandemya.

 

Kung gusto gawin, may sampung libong ayuda. Kung ayaw gawin, may sampung libong palusot,” wika niya.

 

Dagdag ng mambabatas, nakahanap na sila ng mga pwedeng pagkunan ng pondo para sa programa. 

 

Inihain ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyado ang 10K Ayuda Bill noong Pebrero na may layuning bumuo ng isang direct stimulus program na tutulungan ang bawat pamilyang Pilipino na mabili ang kanilang mga batayang pangangailangan at maiangat ang ekonomiya ng bansa. 

 

Naisama man sa Bayanihan 3 ang panukalang batas, hindi naisali ang probisyon nito tungkol sa pamamahagi ng P10,000 kada pamilya.

 

Mula noon, naging aktibo ang grupo sa pagkalap ng suporta para sa 10K Ayuda Bill sa pamamagitan ng programang Sampung Libong Pag-Asa. Nagsimula ang inisyatiba na ito noong Mayo Uno bilang pagpapatuloy ng bisyon ng 10K Ayuda Bill.

 

Mahigit-kulang 6,000 na benepisyaryo ang naabot na ng programa. Karamihan sa mga ito ay ginamit ang ayuda para magsimula ng mga maliliit na negosyo.

 

Nasa 600 na benepisyaryo mula sa Quezon City at 100 na commenters sa Facebook livestream ng programa ang nakatanggap ng ayuda noong Biyernes. Kasama ni Cayetano sina Quezon City 1st District Rep. Onyx Crisologo at ANAKALUSUGAN Partylist Rep. Mike Defensor sa pamamahagi ng ayuda. 

 

Inanyayahan ni Cayetano ang kanyang mga kapwa opisyal sa pamahalaan na suportahan ang programa at ang 10K Ayuda Bill. 

 

“Kagawad hanggang Pangulo ng Republika, we cannot turn our backs sa tao,” aniya.

 

Nanawagan naman si Crisologo sa mga opisyal na sundan ang halimbawa ng programa at tugunan ang mga agarang pangangailangan ng kanilang mga kababayan.

 

“Let’s take a step back. Makinig sa taumbayan: ano ang mga pangagailangan? Marami tayong matutulungan,” sabi niya.

 

Para naman kay Defensor, mainam na bigyan ng pansin ng publiko ang mga lubos na tinamaan ng pandemya. 

 

Tayo po, sa gitna ng pandemyang to, matagal tayong nakulong. Nakikita natin y’ung buhay natin. Pero di po natin nakikita yung maraming naghihirap sa labas. Maraming nangangailangan,” he said.

 

Upang magtuloy-tuloy ang mga hakbang na ito, nanawagan muli si Cayetano sa iba’t ibang mga pulitikal na kampo na magkaisa at bumuo ng iisang plano tungo sa pagbangon ng ekonomiya.

 

Importante para sa ating pamilya, sa ating church, sa ating eskwelahan, para sa ating mga anak, at lalong lalo na sa gobyerno, may plano tayo. Kung hindi, isang bansa tayo ng mga manghuhula,” aniya.

 

Pagtanggap ng pag-asa at pagsimula muli 

 

Isa sa mga benepisyaryo ng programa ay si Virginia Demerin, isang dating tindera na nawalan ng paa dahil sa diabetes.

 

Nakatanggap siya ng tulong mula sa Philippine Orthopedic Center dahil sa ayuda na natanggap niya mula sa programang Sampung Libong Pag-Asa.

 

Tinitherapy na ako sa Philippine Orthopedic (Center) gawa po ng tulong ni Sir Allan,” wika niya.

 

Para naman kay Melanie Monzon, isang dating massage therapist mula sa Payatas, Quezon City, naging tulay ang kanyang natanggap na ayuda sa pagtayo niya ng maliit ng negosyo. 

 

Lagi po tayong manalangin at magtiwala na malalampasan natin po yung mga pagsubok natin sa buhay,” aniya.

 

Hiniling ni Cayetano sa ibang mga benepisyaryo na gamitin ang ayuda para sa kanilang mga batayang pangangailangan at para magsimula ng mga maliliit na negosyo.

 

Madali pong mamigay ng pera. Sinong di tatanggap? Pero to make sure na yung mabigyan ay magkakaroon ng pag-asa? Magkaroon ng kinikita at kung may iba siyang needs, tulad ng may sakit sa pamilya, matulungan? Mas importante po iyon,” sabi niya.

 

Pagsuporta sa mga sari-sari store 

 

Matapos mamahagi ng ayuda sa Quezon City, tumungo naman si Cayetano, ang kanyang kabiyak na si Taguig Rep. Lani Cayetano, at Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice sa Caloocan City upang mamahagi ng tulong pinansyal sa mga may-ari ng sari-sari store sa lungsod.

 

Nasa 100 na may-ari ng sari-sari store ang nakatanggap ng P3,500 kada isa bilang panimulang puhunan. 

 

Bahagi ito ng programang Sari-Sari Store Community na naglalayong bumuo ng isang komunidad ng mga may-ari ng sari-sari store sa pamamagitan ng pamamahagi ng kapital at pagsasanay sa mga maliliit na negosyante. 

 

Mukha mang maliit ang halaga, hinikayat ni Erice ang mga kasali na negosyante na gamitin ang kanilang determinasyon at talino para mapalaki ang kanilang kita. 

 

Wala po iyan sa laki ng puhunan. Nasa determinasyon, sa masigasig at matalinong pagkilos iyan,” wika niya. “Malayo ang mararating ng P3,500.”

 

Para naman kay Cayetano, maaaring gamitin ang tulong pinansyal na ito para bayaran ang kanilang mga utang at palawakin ang kanilang mga benta.

 

Yung iba po na may kaunting utang, yung P1000 o P1,500, pwedeng pambayad muna ng utang. Pero yung P2,000 o P2,500, maidadagdag niyo sa inyong sari-sari store. Makakatulong din po,” aniya.

 

Nangako rin si Cayetano na patuloy niyang ipaglalaban ang 10K Ayuda bill at mabibigyan ng insentibo ang mga may-ari ng mga katangi-tanging sari-sari store.

RECOMMENDED POSTS

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *