Cayetano, pinayuhan si Pacquiao na tumutok muna sa COVID-19 relief

Nanawagan si dating Speaker Alan Peter Cayetano kay Senador Manny Pacquiao na unahin ang pagbigay ng tulong sa mga tinamaan ng pandemyang COVID-19 matapos nitong akusahan ng korapsyon ang ilang mga ahensya ng gobyerno.

 

Sa kanyang panayam sa media noong ika-6 ng Hulyo bago pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa mga may-ari ng sari-sari store sa Pangasinan, sinabi ni Cayetano na inasahan na niya ang mga ganitong bangayan dahil normal na ito sa pulitika sa bansa.

 

“First and foremost, ordinary times, yung bangayan, bakbakan, politics is to be expected,” wika niya. 

 

Bagama’t hindi aniya dapat magkaroon ng kompromiso pagdating sa usapin ng korapsyon, iginiit ni Cayetano na dapat magkaisa muna ang iba’t ibang mga kampo para tulungan ang bansa na makabangon mula sa mga epekto ng pandemya.

 

“One part of me wants to start investigating and fighting corruption right now. Another part of me is pakainin muna natin ang mga tao. Bumalik muna ang hanapbuhay. Ayusin muna natin ito,” aniya.

 

Binanatan kamakailan ni Pacquiao ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa diumanoy kapalpakan nito sa paggamit ng P10.4 billion cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

 

Inakusahan din niya ang Department of Health (DOH) sa pagbili ng mga gamot na malapit na umanong mag-expire.

 

Tinira din ng senador ang Department of Energy (DOE) sa pagbigay nito ng kapangyarihan sa isang pribadong kumpanya na maging independent stock market operator.

 

Para kay Cayetano, ipinalalabas ni Pacquiao na kinukunsinti ng kasalukuyang administrasyon ang korapsyon.

 

“The way Senator Pacquiao said it, na doble (ang korapsyon), parang bang it’s a policy of this government to allow corruption,” sabi niya.

 

Muling ipinaalala ni Cayetano na alam ng kasalukuyan administrasyon na laganap pa rin ang korapsyon sa ibang mga ahensya.

 

“May mga agencies na nawala ang korapsyon. May mga agencies na bumalik ang malaking korapsyon,” aniya

 

Pinayuhan ng kongresista si Pacquiao na ayusin muna nito ang kanyang hawak na mga ebidensya at maging eksakto sa kanyang mga inisyatiba laban sa korapsyon. 

 

“Parang sa boxing, dapat precise ang suntok. Ganun din dapat sa pulitika,” sabi ni Cayetano.

RECOMMENDED POSTS

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *