Cayetano: Sineseryoso ni Duterte ang mga alegasyon ni Pacquiao

Naniniwala si dating Speaker Alan Peter Cayetano na sineseryoso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga alegasyon ng katiwalian sa kanyang administrasyon at hindi ito matitinag sa krusada laban sa korapsyon. 

 

Sa isang panayam sa media noong ika-5 ng Hulyo bago niya pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa mga may-ari ng sari-sari store sa Baguio City, iginiit ni Cayetano na laging ipinapaalala ng Pangulo sa Kongreso at sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na imbestigahan ang kahit anong alegasyon ng korapsyon.

 

“I think yung order naman ng Pangulo sa lahat ng ahensya pati sa Kongreso, imbestigahan lahat ito,” wika niya.

 

Sigurado si Cayetano na hindi minasama ng Pangulo ang mga akusasyon ni Senador Manny Pacquiao na naging laganap umano ang korapsyon sa ilang mga ahensya ng pamahalaan.

 

“Di naman nao-offend si Presidente pag sinabi mong may korapsyon dahil alam naman niyang meron and we are all fighting na matanggal ang korupsyon,” aniya.

 

Binanatan kamakailan ni Pacquiao ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa diumanoy kapalpakan nito sa paggamit ng P10.4 billion cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

 

Inakusahan din niya ang Department of Health (DOH) sa pagbili ng mga gamot na malapit na umanong mag-expire.

 

Tinira din ng senador ang Department of Energy (DOE) sa pagbigay nito ng kapangyarihan sa isang pribadong kumpanya na maging independent stock market operator.

 

Sinabi ni Cayetano na sineseryoso ng Pangulo ang mga alegasyon dahil ang mga ito ay “direct accusation” laban sa kanyang administrasyon.

 

Subalit iginiit ni Cayetano na maaari namang labanan ni Pacquiao ang korapsyon na hindi nagsisimula ng intriga at gulo, lalo na’t kailangang magkaisa ng lahat ng kampo laban sa pandemyang COVID-19.

 

“Corruption is one of the enemies nitong (panahon ng) COVID-19 pandemic,” sabi ni Cayetano.

RECOMMENDED POSTS