Cayetano tatakbo para sa mas mataas na position kung di papasa 10k Ayuda Bill, five-year plan

Tatakbo para sa mas mataas na posisyon si dating Speaker Alan Peter Cayetano kung hindi mapapasa ang 10K Ayuda Bill at ang kanyang pinapanukala na five-year economic recovery plan.

 

Personally, I’ll be more than happy na walang posisyon kung maipapasa yung 10K Ayuda (Bill) at five-year (economic recovery) plan. Without that, I’ll really be tempted to run for higher office because I really feel, now more than ever, kailangan natin ng unity at plano matutupad,” wika ni Cayetano sa isang panayam sa midya matapos sumama sa pagpirma ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa ABC Taguig Agri-Industrial Hub for Freshwater Aquaculture Urban Farming noong ika-20 ng Hulyo.

 

Inihain ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyado ang 10K Ayuda Bill noong ika-1 ng Pebrero. Layunin ng panukalang batas na tulungan ang bawat pamilyang Pilipino na mabili ang kanilang mga batayang pangangailangan at maibalik muli ang sigla ng ekonomiya.

 

Ang mas pinalawak na programang ayuda na nakapaloob sa nasabing panukalang batas ay isa sa mga pangunahing inisyatiba sa kanyang pinapanukalang five-year economic recovery plan na naglalayong buhayin ang mga esensyal na sektor at industriya katulad ng kalusugan, edukasyon, agrikultura, turismo, manufacturing, services, at digital infrastructure.

 

Para kay Cayetano, mahalaga ang dalawang programa na ito sa magiging pagbangon ng bansa mula sa mga epekto ng pandemyang COVID-19. Subalit, nauudlot ang mga inisyatiba na ito dahil sa pulitika at crab mentality.

 

“If magkakaroon ng five-year economic (recovery) plan and three to five years, kasama rin yung sampung libong ayuda, I think we’ll be in good shape, regardless kung sino manalo,” aniya.

 

“But without a plan, nangangamba talaga ako na mauuna yung pulitika at crab mentality at di tayo makakarecover,” dagdag niya.

 

Nanawagan kamakailan ang dating Speaker kay Pangulong Rodrigo Duterte na iendorso ang parehas na panukala sa huling State of the Nation Address nito.

 

Inaasahan ni Cayetano na magiging prayoridad ng Pangulo ang mga plano niya para sa kanyang huling taon sa Malacanang. 

 

“This last year is an opportunity to get things done,” wika niya “The President has to make it clear kung ano direction natin and [he] really has to ignore muna yung pulitika.”

RECOMMENDED POSTS