Ang tunay na pagmamahal sa bayan ay hindi nasusukat sa salita kundi sa kahandaang magsakripisyo para sa katotohanan at sa kapakanan ng bansa.
Sa kanyang live sa Facebook nitong Linggo, July 26, 2026, hinikayat ng Minority Leader ang mga Pilipino na maging mulat sa mga nangyayari sa bansa dahil bahagi aniya ito ng tunay na pagmamahal sa bayan.
“If you love your nation, you have to be updated,” sabi niya.
Ayon sa senador, dapat panoorin ng publiko ang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand Marcos Jr. ngayong Lunes, maging tagasuporta man o kritiko ng administrasyon.
Pero himok niya, pagtuunan ng pansin ang laman ng talumpati at hindi ang personalidad ng nagsasalita.
“Don’t look at the messenger. Look at the message,” sabi ni Cayetano.
Binigyang diin ng senador na ang pagmamahal sa bayan ay may kaakibat na sakripisyo, lalo na para sa mga pinipiling manindigan para sa katotohanan.
Aniya, dapat maging handa ang bawat Pilipino na harapin ang mga pagsubok na kaakibat ng paninindigan sa tama.
“Following Christ, may cost po y’an. Speaking for the truth, may cost po y’an,” sabi niya.
“Y’ung kasuhan ka, y’ung imbestigahan ka, y’ung unahin ka, y’ung wala ka sa radar, biglang ikaw na sa gitna, kasama sa cost y’un,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Cayetano na ang pagmamahal sa bayan ay hindi lamang ipinapakita sa mga salita o simbolo kundi sa kahandaang magsakripisyo para rito.
“Huwag po nating kakantahin ang ating pambansang awitin o ang Lupang Hinirang at sabihin ‘ang mamatay nang dahil sa iyo’ kung hindi tayo willing na magsakripisyo,” sabi ni Cayetano.