Umaasa si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na magiging simula ng malalaking reporma ang pagtatalaga ni Pangulong Marcos kay Dr. Jose “Brix” Pujalte Jr. bilang bagong Secretary ng Department of Health (DOH).
Sa isang Facebook Live nitong Biyernes, sinabi ni Cayetano na mataas ang kanyang pag-asa na mapalalakas ni Pujalte ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino.
“I really have high hopes that the new Secretary will do major reforms and will really lay the foundation for better health services and care,” wika niya.
Kasabay nito, iginiit ng senador na dapat mailayo ang DOH sa pulitika upang makapaghatid ng mas maayos na serbisyo sa publiko ang ahensya.
Inanunsyo ng Malacañang nitong July 13, 2026 ang pagtatalaga kay Pujalte bilang bagong kalihim ng DOH kapalit ni Teodoro Herbosa, na nagbitiw sa pwesto dahil sa kadahilanang pangkalusugan.
Ayon sa Palasyo, si Pujalte ay isang beteranong orthopedic surgeon na may mahigit tatlong dekadang karanasan bilang doktor, hospital administrator, guro, at public servant.
Matatandaang kabilang si Cayetano sa mga opisyal na ilang ulit nanawagan ng pagbabago sa pamunuan ng DOH. Noong nakaraang taon, hinimok niya ang administrasyon na magtalaga ng bagong health secretary at iginiit ang pangangailangan ng mas matibay na pamumuno at reporma upang mapabuti ang healthcare system ng bansa.
Naging sentro rin ng mga issue si Herbosa nitong mga nakalipas na buwan matapos ang kanyang mga biyahe sa ibang bansa. Itinanggi noon ni Herbosa ang mga usap-usapang aalisin siya sa pwesto at sinabing patuloy niyang ginagampanan ang mandato ng Pangulo na palakasin ang serbisyong pangkalusugan.
Para kay Cayetano, ang bagong liderato sa DOH ay pagkakataon upang maisulong ang mga repormang magpapahusay sa serbisyong medikal at matiyak na ang kapakanan ng mga Pilipino ang magiging pangunahing priority ng ahensya.